Bakit Mahirap Mamuhay sa ‘Pinas?

Ang mga Pilipino ay kilala bilang maabilidad, may positibong pananaw sa buhay at may angking galing at talino. Ngunit sa kabila ng mga positibong pananaw sa buhay ay hindi pa rin maiiwasan ang pagkakaroon natin ng mga pag-uugaling akala natin ay nakakatulong sa pag-unlad ng bansa ngunit taliwas sa realidad-mga oryentasyong humihila sa atin pababa at naghuhukay sa sarili nitong libingan.

Mas mainam kung ating kikilatisin ang mga pag-uugaling Pinoy na hanggang sa ngayon ay nagdudulot ng hirap at pasakit sa maraming Pilipino. Mga ugaling nagsisilbing dahilan kung bakit nahihirapang mamuhay ang Pinoy sa sariling bayan.

UGALING AKO
Walang iniisiip ang mga Pilipinong makasarili kundi ang kanilang mga sarili lamang. Hindi pamilyar sa kanila ang mga salitang TAYO, KANYA, SAYO AT ATIN. Mas makabuluhan sa kanila ang mga salitang AKO at AKIN. Sila ay bayani sa pansariling kapakanan. Ginagawa nila ang lahat upang maging angat sa iba, kahit kapalit nito ay ang pagtapak sa pagkatao ng kanilang kapwa. Mga bayani sila kung maituturing dahil kapag may bagyo, sunog o anong klaseng sakuna, tiyak maililigtas nila ang kanilang mga sarili ng walang bakas na galos o sugat. Hindi rin nila nararamdaman ang kahirapan sa Pilipinas dahil eksperto silang gumawa ng paraan umangat lamang ang kanilang sariling buhay. Tanungin mo ang sarili mo, baka ikaw ang konkretong halimbawa nito. Hindi uunlad ang ating bansa kung ang mga mamamayan mismo ay watak-watak at walang pagkakaisa. Ang pag-isip sa kabutihang panlahat ay makakagaan sa ating pamumuhay. Walang mangyayaring pagbabago kung ang pag-iisip ng “ako” ang papairalin.

UGALING TALANGKA
Ito ang pinakamabagsik sa lahat. Ito ay ang ugaling namana pa natin mula sa mga dayuhan. Sinong Juan ba ang hindi nagtataglay ng ganitong ugali? Mula sa pinakamayaman hanggang sa pinakamahirap na antas ng lipunan ay may ganitong oryentasyon. Kung may tinatawag na ‘PUSH AND PULL’ sa siyensya, puro ‘PULL AND PULL’ naman ang pinaiiral ng mga Pilipinong utak talangka. Pwede ring ‘DRAG ME TO HELL’ ang drama ng mga Pilipinong may ganitong ugali. Kawawa ang mga biktima dahil talagang malalasap nila ang mala-imperyong sakit kapag nahila sila pababa. Ito rin ang isa sa dahilan kung bakit hanggang ngayon nananatiling mahirap ang bansa. Mas pinagkakaabalahan kasi natin ito kaysa humanap ng solusyon para umangat ang kalagayan ng bansa. Hanggang sa hilahan pababa na lamang ba ang kayang gawin ng Pililipino? Tsk. Tsk. Tsk.

UGALING DAGA
Madalas nating iniuugnay ang kahirapan sa ating bansa sa buhay ng daga. Tulad ng mga daga, nahihirapan mamuhay ang karamihan sa Pilipino sa bansang nakagapos sa kahirapan. Kaliwa’t kanan ang pagsusumikap ng ilan sa ating mga kababayan ngunit nananatiling mahirap pa rin ang mahihirap. Kung tatanungin mo ang kapwa mo tipikal na Pilipino kung anong klaseng buhay meron sila, malaking porsyento ang sasagot na ‘‘mas mahirap pa sa daga”. Ang mga Pilipinong may ganitong pag-uugali ay ang mga naniniwalang wala ng pag-asa. Tanggap na nila na kailan man ay hindi uunlad ang Pilipinas. Ang kawalan ng pag-asa ang nagdudulot kung bakit hanggang ngayon marami sa Pinoy ang nananatiling isip daga. Nawawalan na sila ng pag-asang mag-isip ng makabuluhang bagay na nag-uudyok upang mas lalong maghirap ang bansa. Ito ang kasalukuyang katotohanan na kinakaharap ng karamihan sa atin. Kung hahayaan na lamang ito, magpapatuloy na buhay daga ang buhay sa Pinas.

UGALING TAMAD
Nakakahiyang kantahin ang ‘HOY! PINOY AKO!’ kung puro naman katamaran ang iyong pinapakita. Mas maiman siguro kung “HOY! TAMAD AKO!” Hindi maikakailang ‘Juan Tamad’ ang bansag sa mga Pilipino. Ang mas nakakatuwa, tayo rin mismo ang naghirang nito sa atin. Pero teka lang, tamad nga ba ang Pinoy? Nakakainis isipin na hanggang ngayon, hindi pa rin natin iniiwan ang ganitong konsepto. Kasabay ng pagyakap sa pag-uugaling ito ay ang pag-ayaw din natin sa pagbabago at pag-unlad. Marahil isa ka sa mga Pilipinong ipinanganak na tamad, lumaking tamad at nananatiling tamad hanggang sa kasalukuyan. Lumaki siguro ang karamihan sa atin na mulat sa kasabihang ‘’Di bale nang tamad, ‘di naman pagod’. Meron ding mga Pilipinong pagod ngunit wala namang ginagawa. Ang mga Pinoy na tulad nito ay ang mga taong puro reklamo lamang ang ginagawa sa buhay. Nagrereklamo sila kung bakit mahirap ang Pilipinas; kung bakit napabilang sa third world countries ang bansa at kung anu-ano pa. Lahat na yata ng bagay ay inirereklamo nila. Isa lamang ang nakalimutan nilang ireklamo; ‘yon ay kung bakit hanggang sa reklamo na lang ang kaya nilang gawin.

UGALING MAPANGARAP
Ito ang mga Pilipinong naging ugali ang mangarap sa buhay. Pinapangarap nilang makapaglibot sa buong mundo balang araw. Pangarap din nilang magkaroon ng malaking bahay na pinapalibutan ng maraming katulong at may malawak na lupain at may koleksyon ng maraming sasakyan. Gusto rin nilang makapagpatayo ng negosyong magbibigay sa kanila ng maraming pera. Lahat na yata ng pwedeng pangarapin sa buhay ay pinapangarap na nila. Sila ang mga Pinoy na nabubuhay sa pangarap. Kung nakakapagbigay lamang ng pera ang mga pangarap, marahil matagal ng lumalangoy sa pera ang bawat Pilipino. Ika nga nila, “Ang taong mahirap ay ang mga taong walang pangarap sa buhay. Libre na nga hindi pa kayang mangarap”. Sa kabilang banda, mananatiling mahirap lamang ang tao kung walang pagkilos at walang paraang ginagawa sa buhay upang maabot niya ang kanyang pangarap. Sa kasalukuyan, ganito ang ugaling Pinoy. Kahit gaano pa kaimposible ang kanilang pangarap ay kaya nilang pangarapin. Ngunit natatakot naman silang kumilos kahit gaano pa kaposible ang kaparaanan.

UGALI NG TUNAY NA PINOY!
Naniniwala silang uunlad ang Pilipinas. Wala sa kanilang diwa ang ugaling tamad, batugan, pagkamakasarili, kahit anong mga negatibong ugali. Positibo nilang hinaharap ang buhay kahit puro negatibo na ang kanilang paligid. May prinsipyo silang pinanghahawakan sa buhay na tumutulong sa kanila upang maging totoong Pinoy sa isip, sa salita, at sa gawa. Taas noo nilang ipinagmamalaki ang kanilang lahi. Pangarap nilang umunlad ang buhay ng bawat mamamayang Pilipino at hindi sila titigil hangga’t hindi ito nagkakatotoo. Sila ang magtataas ng bandila ng bansa sa minimithi nitong kaunlaran. Ngunit hindi pa sila pinapanganak. Wala pang Pilipinong nangahas na gawin itong lahat.

Ngayon ay alam na natin na hindi ang bansa ang may pagkukulang. Hangga’t hindi pa minumulat ng mga Pilipino sa kanilang kamalayan sa katotohanang may pag-asa pang naghihintay sa bansa, mananatiling mahirap mamuhay sa bansa. Hangga’t patuloy mong iminumulat ang iyong kamalayan sa mga negatibong bumabalot sa’yo, hindi mo kailan man malalasap ang ginhawa ng buhay. Hangga’t walang ginagawang paraan sa paghihirap ng sarili mong bayan, pinagkakaitan mo ang iyong sariling maranasan ang kaginhawaan.
Naghihintay sa iyo ang kaunlarang matagal mo nang minimithi. Sa bandang huli, desisyon mo rin ang makakapagsabi kung ninanais mo ang pagbabago o hindi. Mas magiging mainam kung ang mga negatibong oryentasyon at pag-uugaling ito ay magiging positibo. Dahil sa totoo lang, hindi naman talaga mahirap mamuhay sa Pinas, tanging ang negatibong ugali at oryentsasyon lamang ng mga Pilipino ang nagtutulak sa bawat isa kaya nasasabi niyang mahirap mamuhay sa bansa.

Hindi naman talaga natin kailangan ng mga dambuhalang makinarya upang makamit ang pag-unlad, mas kailangan natin ang mga mamayang nagtutulungan at nagkakaisa sa layuning umunlad ang bansa.

No comments:

Post a Comment